Aabot sa 153,000 estudyante ang nakatanggap na ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa DSWD, bahagi ng P1.5 bilyong pondo ang mahigit P387 milyong ayuda na napakinabangan ng mga nabanggit na bilang ng mga estudyante.
Kumpiyansa si DSWD assistant secretary Romel Lopez, na naging maayos ang pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo kung saan, nakatanggap ng P180.9 million ang 45,437 sa college/vocation; P62.3 million ang natanggap ng 20,741 sa Senior High School; P67.1 million ang natanggap ng 33,592 students sa High School; at P77.5 million naman sa 53,545 na Elementary Students.
Samantala, muli naman nilinaw ng opisyal na hindi nila tinatanggap ang mga walk-in applicant at tanging ang mga nakatanggap lamang ng text confirmation pagkatapos makapagrehistro online ang pinapapasok para sa payout center.