Humarap na sa ika-limang pagdinig ng senado ukol sa extrajudicial killings ang 16 na aktibo at retiradong pulis na isinasangkot ni self-confessed hitman Edgar Matobato sa patayan sa lungsod ng Davao.
Ayon Davao PNP Regional Director Chief Superintendent Manuel Gaerlan, sila ay mga dating miyembro ng Regional Police 11.
Sinabi ni Gaerlan na sa 22 pulis na pinangalanan ni Matobato, 12 dito ang aktibo pa rin sa serbisyo habang 10 naman ang nagretiro na.
Matatandaang ang mga naturang pulis ay idinadawit ni Matobato sa operasyon ng tinatawag na Lambada Boys na kalaunay tinawag ding Davao Death Squad (DDS).
Ex-Heinous Crime Division Chief
Itinanggi naman ng dating hepe ng Heinous Crime Division ng Davao City police na si retired Police Superintendent Dionisio Abude na sangkot sila sa mga patayan sa lungsod.
Tugon ito sa testimonya ng self-confessed hitman na si Edgar Matobato na ginagamit ang naturang crime unit ng PNP para sa mga pagpatay.
Ipinagmalaki ni Abude na sa ilalim ng kanyang panunungkulan bilang pinuno ng Heinous Crime Division ay 69 na suspek aniya ang kanilang nahuli sa loob lamang ng isang taon.
Itinanggi rin ni Abude na kasama ito sa pulong para pagplanuhan ang pagdukot at pagpatay sa suspected international terrorist na si Sali Makdum noong 2002.
Sinabi ni Abude na nakilala lamang niya si Matobato dahil sa pinsan ito ni retired Police Inspector Eduardo Matobato.
Samantala, sa pagtatanong ni Senadora Leila de Lima, inamin ni Abude na nakasahuan siya ng administratibo ng Ombudsman kasama ang 20 pang mga pulis dahil sa kabiguang masawata ang mga patayang iniuugnay sa Davao Death Squad (DDS).
By Ralph Obina