(Updated)
Umaabot na sa labing anim (16) katao ang hostage ngayon ng New People’s Army (NPA) na tinagurian nilang ‘prisoners of war’.
Maliban sa dalawang (2) sundalo at labing dalawang (12) miyembro ng CAFGU o Citizens Armed Geographical Unit na nauna nang dinukot ng rebeldeng grupo ay nadagdagan pa ito ng dalawa.
Sa isang statement, sinabi ng nagpakilalang si Ka Sandra, tagapagsalita di umano ng Northeastern Mindanao Region ng NPA, bago pa sila sumalakay sa Barangay New Tubigon Sibagat, Agusan del Sur, ay nagsagawa na sila ng blockade sa Barangay Kulambugan kung saan tinangay nila ang isang Bernade Salahay na miyembro rin ng CAFGU.
May isa pa umano silang bihag ngayon na tinangay naman nila sa Barangay Los Angeles sa Butuan City.
Sa isa namang pahayag ay sinabi ng Communist Party of the Philippines (CPP) na maayos nilang trinatrato ang mga ‘prisoners of war’.
Handa anila silang palayain ang mga bihag kung ititigil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang opensiba laban sa NPA ngayong Kapaskuhan.
Matatandaan na bagamat nagdeklara ng ceasefire ang NPA ngayong Kapaskuhan, hindi ito tinapatan ng tigil putukan ng militar.
Photo Courtesy: CPP Website