Bagsak sa kulungan ang labing-anim na indibidwal dahil sa umano’y pagnanakaw ng kable sa Kabisayaan.
Kabilang sa kanila ang mga third-party contractor at field technician ng kompanya.
Sa pagtutulungan ng Globe Security Team, pulisya sa Visayas, at mga barangay tanod, nakahuli na ng 30 nagpuputol ng mga copper cable ng telco sa Cebu, Bacolod, at Bohol mula Enero 2022.
Ang mga kasamang menor de edad ay dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa rehabilitasyon.
Noong nakaraang taon, 38 katao naman ang naaresto dahil sa nasabing ilegal na aktibidad habang 11 ang kasalukuyang hinahanap. Naghain na ng kasong kriminal ang telco laban sa mga ito.
Ang malawakang pagpuputol at pagnanakaw ng mga kable ang isa sa matinding suliraning hinaharap ng kompanya.
Naging dahilan ito ng pagkaantala sa restorasyon ng serbisyong pang-komunikasyon sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette noong Disyembre.
Bagama’t natapos na ng Globe ang pagsasaayos ng mga pasilidad na nasira ng bagyo, kailangan namang harapin ng mga technical team ang mga kabahayang nawalan ng serbisyo dahil sa mga ninakaw na kable.
“Nakakadagdag ang mga pagpuputol at pagnanakaw na ito sa mga serbisyong dapat na ayusin ng aming engineers at technical teams sa halip na mabigyang-tuon namin ang mga lugar na nawalan ng serbisyo dahil sa bagyo,” pahayag ni Yoly Crisanto, SVP Group Corporate Communications at Chief Sustainability Officer ng telco.
Kaya naman binigyang-diin ni Jojo Viray, Globe Safety and Security Lead for Visayas Security Operations, na lalong pinapalakas ng kompanya ang operasyon ng Bantay Kable sa Visayas para mabawasan o matigil na ang mga ganitong pangyayari.
“Lalo naming pinapaigting ang operasyon sa Bantay-Kable sa Kabisayaan para mapigilan ang pagsira sa aming mga kable na nagiging hadlang sa paghahatid ng serbisyo sa aming mga customer. Kasama ang mga lokal na awtoridad at opisyal ng barangay, patuloy naming hahabulin ang mga masasamang loob na ito at sisiguraduhin na haharapin nila ang buong puwersa ng batas,” dagdag ni Viray.
Ang RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998 ang batas na kumukontrol sa pagpapalabas at paggamit ng mga access device at nagbabawal sa mga ilegal na gawaing katulad ng naturan.
Nagbibigay din ito ng kaukulang parusa sa mga lalabag dito.
“Nakalulungkot lang na naaapektuhan ang aming mga customer na umaasa sa koneksyon para sa kanilang trabaho, pag-aaral, at entertainment. Kaya humihingi kami ng suporta mula sa publiko para agad na maiulat ang mga insidente ng pagnanakaw ng kable,” dagdag ni Viray.
Maaaring i-report ang ganitong mga ilegal na aktibidad sa kanilang security hotline 0906-3244626 o mag-email sa bantaykable@globe.com.ph.