Nailigtas ang 16 na crew member matapos masunog ang sinasakyang container ship sa Pacific Coast ng Canada.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad patungo sana ng Vancouver, Canada ang nasabing barko nang biglang maglabas ng toxic gas ang Zim Kingston Ship.
Ayon sa Canadian Coast Guard, inabot ng magdamag ang sunog kung saan, 10 containers ang naabo dahil hindi umano maidirektang mabugahan ng tubig ang apoy dulot ng pangambang sumiklab ito lalo dahil sa kargang 52,000 kilo ng kemikal.
Bagamat nagpaiwan ang lima pang miyembro ng naturang barko kabilang na ang kapitan nito, ay tiniyak naman ng mga opisyal na wala itong peligro sa mga tao na malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang dahilan ng pagkakasunog ng mga container. —sa panulat ni Angelica Doctolero