Posibleng patawan ng hanggang tatlong taong pagkakakulong ang 16 na Pilipinong nagprotesta sa Qatar, bilang pagtutol sa pagkaka-aresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Ito ayon sa Department of Foreign Affairs ay kung mapapatunayang nilabag ng mga inarestong Pilipino ang Qatar Law no. 18 of 2004 na nagbabawal sa sinuman na magsagawa ng protesta nang walang pahintulot ng pamahalaan.
Kaugnay nito, pinalaya na ng mga otoridad sa Qatar ang tatlo pang menor-de-edad na nakilahok din sa nasabing rally.
Umaasa ang DFA na sa halip na patawan ng kaso ang 16 na Pilipino ay pahintulutan ang mga ito na makapag-pyansa at makalaya na sa susunod na linggo.
Dahil dito, nagpaalala ang ahensya sa mga Pilipinong nasa abroad na igalang at sundan ang mga batas sa bansang kanilang kinaroroonan.—sa panulat ni John Riz Calata