Nasa stable nang kondisyon ang pulis na nasugatan sa pagsabog ng granada sa loob ng isang eskwelahan sa Initao, Misamis Oriental.
Ayon kay Misamis Oriental Provincial Police Spokesperson Captain Princess Joy Velarde, ligtas sa panganib ang biktimang si Police Master Sergeant Alice Balido bagama’t naka-confine pa rin ito sa ospital.
Habang nakalabas na rin aniya ng ospital ang 16 pang nasugatan sa insidente na kinabibilangan ng siyam na estudyante at dalawang guro.
Magugunitang, dalawa ang namatay sa insidente ng pagsabog sa loob ng eskuwelahan sa Initao, kabilang ang suspek na may dala ng granada na si Ibrahim Bashier at si police Master Sgt. Jason Magno na rumesponde sa insidente, kahapon.
Batay sa ulat, nag-amok ang suspek sa tanggapan ng DENR matapos na makumpiska ang kanyang trak na may dalang mga punongkahoy dahilan naman kaya nagtakbuhan ang mga tauhan ng ahensiya sa covered court ng eskuwelahan.
Habang hinuhuli naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek, nabitawan nito ang dalang granada at saka sumabog.