Dinisarmahan ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang labing anim (16) na sundalong sangkot sa misencounter sa Samar.
Ayon sa 8th Infantry Division ng Philippine Army, ang mga naturang sundalo ay nananatili sa 87th Infantry Battalion sa Calbiga, Samar matapos sumailalim sa imbestigasyon ang mga ito.
Isinailalim na rin sa ballistic test ang M-4 assault rifles at sniper rifle na armas ng mga naturang sundalo.
Una nang sinibak sa puwesto ang dalawang PNP officials na sina Supt. Glen Oliver Cinco, hepe ng RMFB Regional Mobile Force Battalion 8 at Chief Inspector Don Archie Suspeniye, Commander ng 805th Mobile Company, RMFB 8.
Joint investigation
Samantala, gumulong na ang joint investigation ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa ‘misencounter’ ng mga pulis at sundalo sa Samar.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, kabilang sa mga aalamin ng joint task force ay ang alegasyon na ambush at sniper shots ang pumatay sa anim na pulis na naka-engkwentro ng mga sundalo.
Maliban dito, nakatutok rin anya ang imbestigasyon sa kung mayroong koordinasyon na ginawa ang PNP sa AFP nang magsagawa sila ng operasyon sa parehong lugar.
Sinabi ni Albayalde na lima hanggang anim na araw nang nag-ooperate ang AFP sa lugar bago pa pumasok ang mga pulis.
Aalamin anya sa imbestigasyon kung hanggang saang lebel nakarating ang koordinasyon at kung bakit hindi ito nakarating sa mga sundalong nakasagupa ng mga pulis.
Sa ngayon anya ay nasa maayos nang kalagayan ang syam na pulis na nasagutan sa ‘misencounter’ at dalawa sa mga ito ang nakalabas na sa ospital.
By len Aguirre