Aabot na sa 160 pamilya sa Eastern Samar ang inilikas dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig-baha bunsod ng walang tigil na pag-ulan dulot ng bagyong Urduja.
Ayon kay Eastern Samar Acting Governor Marcelo Picardal, karamihan sa mga apektadong pamilya ay mula sa sampung barangay sa Quinapondan at anim na barangay sa bayan ng Arteche, Eastern Samar.
Kasalukuyang nananatili ngayon sa mga paaralan at barangay hall ang mga inilikas na residente.
Samantala, hindi pa rin maaaring daanan ng mga motorista ang mga barangay Libas at Paya sa Eastern Samar dahil sa mga naitalang landslides.
Maliban sa Eastern Samar, naitala rin ang mga pagguho ng lupa sa Tacloban, Calbiga at dalawang barangay sa Northern Samar.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan sa Eastern Samar at iba pang kalapit lalawigan na nakahada silang magbigay ng tulong para sa mga apektadong residente ng bagyong Urduja.
Pinaalalahanan naman ng Coast Guard ang lahat ng kanilang district units na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa paglalayag sa mga lugar na apektado ng bagyong Urduja.
—-