Hindi pa natatanggap ng umaabot sa 16,000 mga healthcare workers ang kanilang hazard pay, ilang buwan matapos nilang pangunahan pagharap sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng senado sa panukalang budget ng Deparment of Health (DOH) para sa 2021.
Ayon kay Senadora Pia Cayetano, nakapaglabas na ng umaabot sa P842-milyon na pondo ang pamahalaan para sa hazard pay ng mahigit 86,000 mga medical frontliners.
Gayunman, higit 16,000 pang mga health workers ang napag-iwanan at hindi natatanggap ang kanilang benepisyo.
Sinabi ni Cayetano, pangunahing dahilan nito ay ang kawalan ng karagdagang pondo ng Department of Health (DOH).
Aniya, sapat lamang ang naunang pondo para sa panahon ng pagpapatupad ng naunang Bayanihan Law kaya hindi na inabot ng mga bagong kuhang health workers ng pamahalaan.
Dagdag ni Cayetano, kakailanganin ng karagdagang P108.2-milyong pondo ang DOH para mabayaran ang hazard pay ng nalalabi pang 16,000 mga health workers.