Idinepensa ng Malakanyang ang pagbili ng nasa 166 na mga bagong sasakyan ng Department of Education (DEPED).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala silang nakikitang mali sa ginawa ng DEPED dahil matagal na itong balak ng pamahalaan.
Aniya, 2016 pa lamang nang matukoy ang pangangailangan ng mga sasakayan ng DEPED at ngayong taon lamang nabili matapos maisama sa 2016 national budget ang pondo para sa mga ito.
Binigyang diin ni Roque, bago pa man ang COVID-19 pandemic ay naaprubahan na ang naturang budget.
Paliwanag ng kalihim, mahalagang magkaroon ng mga sasakyan ang DEPED para magamit ng kanilang engineers na gumagawa, nagkukumpuni at nag-iinspeksyon sa mga eskwelahan o silid aralan lalo na sa panahon ng kalamidad.
Maaari rin aniyang magamit ito sa pagmamahagi ng modules gayundin ng mga regional offices ng DEPED para makapag-ikot sa komunidad.
Una rito, tinawag na insensible o walang katuturan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang naturang paggamit sa pondo ng ahensiya, gayung gumagasta anila ng sariling pera ang mga guro para sa pagpapatupad ng distance learning.
Inalmahan din ng teachers dignity coalition ang nabanggit na hakbang ng deped na nagpapakita ng kawalan ng malinaw na prayoridad ng ahensiya.