Ginagamit lamang ang 17-anyos na si Kian Lloyd Delos Santos ng ama at tiyuhin nito sa kanilang illegal drugs operation.
Ito ang kinumpirma ni PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa batay sa kanilang mga nakalap na intelligence report.
Ayon kay Dela Rosa, kilala ang ama ni Kian na si Zaldy sa kanilang lugar sa barangay 160, sa Santa Quiteria, Caloocan City na siga kaya’t takot ang kanilang mga kapitbahay na magsalita laban sa kanila.
Mismong si Zaldy aniya ay drug user habang ang tiyuhin ni Kian ang pusher at nagsisilbing courier ang binatilyo.
Samantala, bagaman dismayado sa resulta ng police operation sa Caloocan City lalo sa pagkakapatay sa menor de edad na suspek, iginiit ni Dela Rosa na lehitimo ang operasyon dahil may batayan sa alegasyon na si Dela Rosa ang isa sa mga source ng illegal drugs.
“Himagsikan Para kay Kian”
Samantala, magsasagawa ng serye ng kilos protesta ang iba’t ibang grupo ngayong araw kaugnay sa pagkakapaslang sa 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos sa isang anti-drug operation sa Caloocan City.
Magsisimulang magmartsa ang mga lalahok na grupo mamayang dakong alas-4:30 ng hapon simula sa Santa Quiteria Church sa Baesa, Quezon City patungo sa eksaktong lugar na pinangyarihan ng krimen kung saan napatay si Kian.
Samantala isang programa na pinamagatang “Himagsikan Para Kay Kian” ang isasagawa sa People Power Monument na mamayang alas-6:00 ng gabi upang ipanawagan sa pamahalaan na baguhin na ang proseso ng kampanya kontra illegal na droga.
Kasabay nito hinikayat ng mga organizer ang publiko na makilahok sa mga kilos protesta upang labanan hindi lang ang pagkakapaslang sa 17-anyos na si Kian maging sa sunud-sunod na rin na pagkakapatay ng iba pang hinihinalang drug suspects sa ilalim ng giyera kontra illegal na droga ng administrasyong Duterte.
By Drew Nacino / Arianne Palma