Kasado na ang pagsasampa ng kaso laban sa labing pitong (17) barangay captains mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Undersecretary Martin Diño ng Department of Interior and Local Governmento DILG ilan lamang ito sa barangay chairmen na nabigong magtatag ng BADAC o Barangay Anti-Drug Abuse Council sa kanilang barangay.
Sinabi ni Diño na posibleng umabot sa limandaang (500) barangay chairmen ang kanilang kasuhan sa mga susunod na araw.
“Dapat ‘yan itinatag nila ‘yan 5 years ago, pag-upong upo mo bilang barangay captain ay dapat nakapagtatag ka na ng iyong BADAC, it’s either involved siya or naging inutil siya sa kanilang lugar, binigyan na siya ng pagkakataon ng Presidente, actually in-extend na sila ng dalawang beses pero ganun pa rin ang ginawa nila.” Ani Diño
Samantala, pabor si Diño na ilantad na sa publiko ang mga barangay officials na kabilang sa narco-list ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pamamagitan aniya nito ay magagabayan ang mga botante kung sino ang iboboto nila sa barangay election.
Tiniyak ni Diño na masusi na nilang babantayan ngayon ang galaw ng mga bagong mahahalal na opisyal ng barangay.
“Babantayan na natin ang galaw ng mga barangay captain kung halimbawa noon nagagawa nila ang pagnanakaw diyan sa barangay eh ngayon nakabantay na tayo, ang mga barangay ay magsu-submit ng kanilang properties, makikita natin ngayon kung saan dinala ng kapitang magnanakaw ang kayamanan ng barangay, tapos ngayon nakikita rin namin katulad ng isang barangay dito sa Quezon City, na-withdraw niya na ‘yung pera ng barangay.” Pahayag ni Diño
(Ratsada Balita Interview)