Sinibak sa pwesto ang 17 pang miyembro ng Quezon City Police District o QCPD dahil sa kapabayaan sa nangyaring hit-and-run incident sa Anonas St., cor. Pajo St., Brgy. Quirino 2A, Quezon City noong Agosto 6 na ikinasawi ng isang tricycle driver.
Ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, nang maupo siya sa pwesto ay agad siyang bumuo ng special investigation task group o “SITG Abong” upang tutukan ang pagkakabundol ng sasakyan ni PLTCOL Mark Abong sa traysikel ng biktimang si Joel Laroa.
Makaraan ang imbestigasyon, tatlong pulis mula sa Talipapa Police Station (PS 3), 6 sa Anonas Police Station (PS 9) at 8 mula sa District Traffic Enforcement Unit (DTEU) ang ni-relieve at inilipat sa District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) epektibo noong Agosto 22.
Mananatili aniya sa DPHAS sa Camp Karingal ang mga ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Una nang sinibak ang imbestigador sa kaso na si Police Sr. Master Sgt. Jose Soriano at maging sina PLTCOL Alexander Barredo at PCPL Joan Vicente na parehong sakay ng QC mobile at nasa tabi lang ng sasakyan ni Abong nang mangyari ang insidente.
Matatandaang iginiit ni Mayor Joy Belmonte na nangako sila ng ligtas at payapang komunidad kaya’t walang puwang sa lungsod ang mga palpak at pabayang pulis.