Naharang ng mga otoridad sa NAIA ang 17 OFWs na gumagamit ng pekeng overseas employment certificate (OEC).
Ayon kay Immigration TCEU Chief Erwin Ortanez, itinaon ng mga nasabing OFW ang tangkang paglabas ng bansa sa pagdagsa ng mga pasahero o nitong peak travel season sa pag-aakalang mas maluwag ang inspeksyon sa airport.
Sinabi ni Ortanez ay pawang peke ang dalang POEA clearance at pre departure orientation seminar certification ng mga hinarang na OFWs.
Bagama’t peke ang bitbit na POEA clearance at OECs ipinabatid ng BI na may dalang working visas ang mga naturang OFW galing sa kanilang recruiters.
10 sa 17 OFWs ay hinarang sa NAIA Terminal 1 habang ang iba ay nasabat sa NAIA Terminal 2 at karamihan sa mga ito ay patungo sanang Dubai, Saudi Arabia at Thailand.
Dahil dito, pinaigting pa ng immigration personnel sa airport departure counters ang pagiging alerto para matiyak na hindi malulusutan ng mga sindikatong sangkot sa human trafficking at maging ng illegal recruiters.