Isang labingpitong taong gulang na batang lalaki ang patay habang nasa pagamutan ang limang iba pa makaraan umanong makainom ng tubig sa poso at sa bukal sa Barangay Tinucan, Tanay, Rizal.
Sa panayam ng Radyo Klinika sa DWIZ, sinabi ni Tinucan Barangay Captain Victoria Lacuesta na nasawi si Ariel Aspero makaraan ang ilang beses na pagsusuka at pagdumi bunga ng entamoeba coli, batay sa ulat ng mga doktor sa Cabading Hospital.
Ayon naman sa gurong si Carlota Paragas ng Tinucan Elementary School, ang mga nadala sa pagamutan dahil sa katulad na simtomas ay sina Nancy Lontayao, Kian Gallo, Judith Alvasan, Rowena Absalon at Hazel Rapsing.
Sinabi ni Paragas na may ilan pang matatanda at bata sa Sitio Korokan at Kamatsile na nakararanas din ng pananakit ng tiyan, subalit hindi na dinala sa ospital.
Hiniling nina Lacuesta at Paragas na testingin muli ng pamahalaan ang kanilang tubig sa poso at bukal upang malaman kung dito nanggagaling ang dahilan ng pananakit ng tiyan at tuloy-tuloy na pagdumi ng kanilang mga ka-barangay.
Samantala, tiniyak naman ni Dr. Bernadett Velasco ng Health Emergency Bureau ng Department of Health na iimbestigahan nila ito at ibibigay nila ang karampatang tulong sa mga taga-Barangay Tinucan.—mula sa panulat ni Marou Pahati-Sarne