Iniulat ng Department of Health (DOH) na aabot sa 170 UK variant cases, 192 South Africa variant cases, 19 Philippine variant cases, at isang Brazil variant case ang kanilang nakita o na-detect sa pinakahuling COVID-19 sample sequencing.
Sa 170 UK variant cases, walo dito ang mula sa mga returning overseas Filipinos o mga balikbayan, 119 ang local cases, at 43 naman ang kasalukuyan paring biniberipika ng mga eksperto.
Base sa case line list, dalawa sa mga COVID patients na ito ang pumanaw at 168 ang nakarekober.
Sa 192 naman na South Africa variant cases, isa dito ang Returning Overseas Filipino (ROF), 143 ang local cases, at 48 ang patuloy paring inaalam kung ROF o local cases.
Dalawa sa mga kasong ito ang aktibo, tatlo ang nasawi at 187 ang gumaling.
Isang ROF naman ang naitalang single Brazil variant case na galing sa Brazil at naninirahan sa SOCCSKSARGEN.
Habang ang dalawa naman sa 19 na additional Philippine variant cases, ang pawang ROF, 10 dito ang local cases, at pito ang patuloy paring biniberipika.
Pahayag ng DOH, lahat ng naitalang Philippine variant cases ay pawang nakarekober mula sa COVID-19.
Namataan ang mga variant cases na ito sa dalawang batch ng 25 samples na isinailalim sa sequencing noong March 28, kungsaan umabot na sa kabuuang 1,336 samples ang na-sequence simula noong March 28 hanggang April 8.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng variant cases, muling ipinaalala ng DOH na ang strikto at tuloy-tuloy na pagsunod sa minimum public health standards at mariing pagsuporta sa vaccination program ng pamahalaan ang tanging mabisang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng virus.