Tinututukan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang tatlong rehiyon sa bansa na lubhang apektado ng mga pagbahang dulot ng hanging habagat na lalong pinalakas ng bagyong Hanna.
Batay sa datos ng NDRRMC, aabot sa mahigit na17,000 pamilya o katumbas ng nasa mahigit 69,000 indibiduwal ang apektado mula sa Ilocos Region, Gitnang Luzon at MIMAROPA.
Mula sa natuang bilang, nasa 100 pamilya o katumbas ng may 400 indibiduwal ang kasalukuyang nasa mga ikinasang evacuation center sa mga nabanggit na rehiyon.
Maliban diyan, apektado rin ng mga pagbaha at matinding buhos ng ulan ang CALABARZON, Bicol, Western Visayas at maging ang National Capital Region.
Nakapagtala na rin ng 20 landslide ang NDRRMC subalit, sinabi ng tagapagsalita nitong si Mark Timbal na umaasa silang maaabot ang target nilang ‘zero casualty’ sa pananalasa ng bagyong Hanna.