NAMAHAGI si Senador Lito Lapid ng family food packs para sa 750 mangingisda sa Limay, Bataan nitong Huwebes, August 22, 2024.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Lapid na mahalagang maabutan ng kahit konting tulong ang mga mangingisdang biktima ng oil spill mula sa lumubog na barko sa Lamao point, Limay, Bataan kamakailan.
Inaasahan ni Lapid na kahit papaano ay maitatawid ng mga pamilya ng mangingisda ang kanilang pangangailangan sa naibigay na food packs.
Noong July 25, lumubog ang MT Terranova na may kargang 1.4 million litro ng industrial fuel sa karagatan ng Lamao point, Limay.
Noong August 6, ideneklara na ni Bataan Governor Joet Garcia ang state of calamity dahil sa oil spills dulot ng tatlong oil tankers na lumubog sa karagatan na kung saan umabot sa 28,000 mangingisda ang naapektuhan at nawalan ng hanapbuhay dahil sa sunod-sunod na oil spills mula sa MT Terra Nova sa Limay, MT Jason Bradley at MV Mirola 1 sa Mariveles, Bataan.
Magiliw naman na sinalubong si Lapid ng mga benepisyaryo at maluha-luhang nagpasalamat sa napapanahong biyaya sa kanila.
Malugod na tinanggap nina Limay Mayor Nelson David, Vice-Mayor Richie Jason David, Brgy. Chairman Nestor Nabaunag at Sangguniang Bayan members si Senador Lapid sa mabilis na aksyon at personal na paghahatid ng tulong sa mga mangingisdang nawalan ng hanapbuhay dahil sa oil spills sa kanilang bayan.
Nauna rito, namahagi rin ang Supremo ng Batang Quiapo ng 1,000 family food packs sa mga mangingisda sa Mariveles, Bataan noong August 21, sa mismong kaarawan ng Senador.
Mismong si Mariveles Mayor AJ Concepcion ang humingi ng tulong kay Senador Lapid para sa mga mangingisda sa kanyang bayan.