Sapat ang 18 araw na pag-upo ni Vice President Leni Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs para makapagbigay ng rekomendasyon sa pagpapabuti ng kampanya kontra iligal na droga.
Ito ang iginiit mismo ng pangalawang pangulo matapos namang magpahayag ng pagdududa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ipinalabas na ulat sa bayan at rekomendasyon sa war on drugs.
Ayon kay Robredo, maikli man ang 18 araw ay wala siyang sinayang na panahon.
Aniya, agad siyang nagtrabaho mula pa lamang sa unang oras ng kanyang pag-upo sa ICAD.
Iginiit ni Robredo, nanggaling pa mismo sa mga ahensiya ang mga ginamit niyang datos sa pag-aaral na nakapag-ambag sa kanyang mga rekomendasyon.
Una rito sinabi ni Pangulong Duterte na bagama’t bukas siya sa mga suhestiyon ni Robredo, may pagdududa siya sa kakayahan nitong makita ang pangkalahatang estado ng kampanya kontra iligal na droga dahil sa ikli ng panahon nito sa icad.