Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang 18 empleyado ng senado.
Kasunod ito ng isinagawang rapid test sa lahat ng mga pumasok at nagreport na sa trabaho kasabay ng pagbabalik ng regular session ng Kongreso kahapon, ika-4 ng Mayo.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, muling sasailalim sa COVID-19 test ang mga nabanggit na senate employees sa pamamagitan naman ng polymerase chain reaction (PCR) na itinuturing na gold standard test kit.
Aniya, bagama’t positibo ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa mga ito gamit ang rapid test kits, hindi pa rin tuluyang masasabi na nahawaan sila ng COVID-19 kaya kinakailangan pa ng confirmatory test.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na nakipag-ugnayan na sila sa pamilya ng 18 empleyado ng senado para maisailalim rin ang mga ito sa COVID-19 test.