Inaresto ng mga otoridad ang 18 menor de edad sa Pagsanjan, Laguna matapos maaktuhang lumabag ang mga ito sa ipinatutupad na health and safety protocols sa lugar.
Ayon kay Laguna Police Provincial Director Col. Serafin Petalio II, naaktuhan ng kanyang mga tauhan ang mga naarestong menor de edad na naglalaro ng bilyar nang walang suot na face masks at hindi sumusunod sa social distancing.
Pahayag ni Petalio, napakadelikado ng ginawang pagbabalewala ng mga kabataang ito dahil puwede aniya silang mahawa o makahawa ng COVID-19.
Sa ngayon, inisyuhan na aniya nila ng ticket of violation at pinagsabihan ang mga ito.
Samantala, mahigit 100 indibidwal naaman ang inaresto sa Biñan, Laguna matapos mahuli sa aktong hindi nakasuot ng tama ang kanilang mga face masks at face shields.
Sa ilalim ng city ordinance, lahat ng mga health protocol violators ay maaring pagmultahin ng nasa limang libong piso at pagkabilanggo ng halos dalawang buwan.
Dagdag pa ni Petalio, nagbilin na umano sya sa lahat ng chief of police sa iba’t ibang police station sa lalawigan ng laguna na paigtingin ang pagbabantay laban sa mga health protocol violators, alinsunod aniya sa bilin ng pamunuuan ng pulisya at direktiba ni Pang. Rodrigo Duterte.