Sinibak sa puwesto ang labing walong (18) pulis kabilang ang dalawang (2) opisyal matapos ang isinagawang surprise inspection team ng National Capital Region Office o NCRPO.
Huli sa akto ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde na nag-iinuman ang mismong station commander na si Senior Inspector Mark Oyad at mga tauhan nito sa Police Community Precint (PCP) 4 sa Muntinlupa City.
Depensa ni Oyad, mayroon lamang kaunting kasiyahan dahil sa kaarawan ng isang pulis, ngunit hindi ito umubra kay Albayade.
Nadatnan namang natutulog ni Albayalde ang mga naka-duty na pulis pati ang commander din na si Senior Inspector Ferdinand Duren sa PCP – 8 sa Maricaban, Pasay.
Ayon kay Albayalde, ang PCP – 8 ang pinaka-inirereklamong estasyon ng pulis sa Kamaynilaan.
Samantala, labing apat (14) na pulis na ang nagtungo sa NCRPO kahapon, Pebrero 7, upang mag-surrender ng kanilang mga baril at tsapa.
Mahaharap sa kasong administratibo ang mga nahuling pulis at pansamantalang ililipat sa Regional Police Holding and Accounting Unit.