Nasa 18 train sets ang idineploy ng pamunuan ng Manila Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa pagbabalik ng biyahe nito kaninang umaga.
Sa inilabas na mga larawan ng DOTr-MRT 3, makikitang kaagad dumagsa ang mga pasahero ng tren sa pagbubukas nito sa unang araw nang pagsailalim muli sa general community quarantine (GCQ) ng Metro Manila.
TINGNAN: Nasa 18 train sets, kabilang ang 16 CKD train sets at 2 Dalian train sets, ang tumatakbo sa linya ng MRT-3 sa pagbabalik-operasyon nito ngayong araw, 19 Agosto 2020, matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila. pic.twitter.com/2wKZNqc0A8
— DOTr MRT-3 (@dotrmrt3) August 18, 2020
Lumarga na ng alas-5:30 ng madaling araw ang unang biyahe ng tren ng MRT-3 mula sa North Avenue Station patungong Taft Avenue Station.
Ang huling biyahe naman ng tren pa-southbound mula sa North Avenue Station ay alas-9:10 ng gabi at alas-10:11 naman ng gabi pa-northbound mula sa Taft Avenue Station.
Mahigpit pa ring ipinatutupad ang ‘no mask and face shield, no entry’ policy para sa mga pasahero ng tren.
Ipinaalala rin ng MRT-3 ang pagbabawal sa pagsasalita at pagsagot ng tawag sa anumang digital devices sa loob ng tren para maiwasan ang pagkahawa ng commuters laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kinakailangan ding sagutan ng mga pasahero ang contact tracing form bago pumasok ng istasyon.