Nakahanda na rin ang Meralco para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Lunes.
Ayon sa Meralco, nasa 180 generator sets nila ang naka-standby sa mismong araw ng eleksyon para ilawan ang mga polling at canvassing centers oras na magkaroon ng hindi inaasahang brownout.
Maliban dito, naka-antabay din bente kwatro oras ang nasa 500 crew ng Meralco sa araw ng halalan.
Sa kabila nito, pinayuhan pa rin ng Meralco mga polling centers na magdala ng mga reserbang ilaw at iwasan ang pagsasaksak ng mga di naman kinakailangang appliances upang maiwasan ang overloading at octopus wiring.
Pinapayuhan din ang publiko na iwasan ang magpalipad ng lobo, paggamit ng firecrackers at party poppers malapit sa mga linya ng kuryente upang maiwasan ang tripping at power interruptions.