Ipinawalang–sala na ng korte ang 19 na pulis na akusado sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. at isang kapwa bilanggo.
Ayon kay Atty. Roland Inting, abogado ng isa sa mga akusado, isinagawa ang promulgasyon kahapon sa pamamagitan ng video conference sa Quezon City Regional Trial Court branch 104.
Bigo ang limang testigo ng prosekusyon na tukuyin kung sino sa mga akusado ang kabilang sa grupong pumatay kay Espinosa at kapwa presong si Raul Yap sa Baybay Sub-Provincial Jail.
Binaril umano ang Alkalde ng mga miyembro ng PNP-CIDG sa gitna ng search warrant sa loob ng naturang bilangguan noong Nobyembre 5, 2016.
Magugunitang ikinulong ang pinaslang na Mayor dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga. —sa panulat ni Drew Nacino