Totoo nga na masarap ang bawal. Kaya pagdating sa usaping pagkain, mapapasama ka talaga kapag sobra-sobra. Katulad na lang ng nangyari sa isang dalagita sa Butuan City na halos matunaw daw ang kidney dahil nasobrahan sa soft drinks at noodles?
Kung ano na ang lagay ng dalagita, eto.
November nitong nakaraang taon nang madiskubre na ang kidney o bato ng 19-anyos na dalagita na si Angel Mae ay halos tunaw na pala at sa palagay nila ay dahil iyon sa sobra-sobrang consumption niya ng soft drinks at instant noodles.
Sinabi ng dalagita sa isang pahayag na tatlong beses sa isang araw kung uminom siya ng soft drinks at lagi rin daw siyang kumakain ng noodles dahil ‘yon ang madaling lutuin.
Dinala sa ospital si angel mae at sa murang edad ay kinakailangan na nitong mag-dialysis kung kaya ito tinubuhan sa leeg.
Si Angel Mae, na-diagnose na pala ng stage 5 Chronic Kidney Disease o CKD.
Ayon sa Adult Nephrologist na si Dr. Mark Anthony Tiu, ang sakit na CKD ay ang pagkakaroon ng damaged kidney. Ang acute type ng sakit na ito ay ang biglaang pagkasira ng kidney at temporary lang, habang ang chronic type naman ay mayroong anim na stages at hindi na nare-recover.
Sinabi pa ni Dr. Tiu na kung hindi makokontrol ang pagkonsumo sa mga pagkain ay maaari talagang mauwi sa pagkasira ng kidney.
Samantala, tumigil na muna sa pag-aaral si Angel Mae at dalawang beses din itong nagda-dialysis sa isang linggo. Ganoon man ang kalagayan niya sa ngayon ay hindi naman daw siya nawawalan ng pag-asa.
Ikaw, kokontrolin mo na rin ba ngayon ang pag-kain mo?