Binawian ng buhay ang isang 19 anyos na binata matapos mabaril ng isang pulis sa Pampanga.
Ayon sa imbestigasyon, nagtamo ng tama sa dibdib at leeg ang biktimang si Abelardo Vasquez Jr.
Batay sa kaniyang pinsan nagkukwentuhan lamang sila nang bigla umanong sitahin ni Police Corporal Alvin Pastorin.
Aniya, naingayan daw ang pulis kaya’t kinausap ito ng biktima ngunit tinulak daw ito at biglang nagpaputok ng warning shot na sinundan pa ng tatlong putok ng baril hanggang sa masawi ang biktima.
Ngunit batay sa report ng pulisya, sinita raw ni Pastorin ang magpinsan dahil wala itong suot na face mask at mga damit pang-itaas.
Matapos nito ay umalis umano si Pastorin at nagtungo sa kaniyang sasakyan subalit pinagbabato raw ito ng grupo ng biktima.
Sa pangamba niya ay nagpaputok siya ng baril hanggang sa matamaan si Vasquez.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng Bacolor Police si Pastorin habang desidido naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso at panagutin ang suspek.—sa panulat ni Airiam Sancho