Aabot sa 19 na opisyal ng Bureau of Immigration ang sinampahan ng kaso sa Ombudsman ng National Bureau of Investigation.
Ito’y kaugnay sa kontrobersyal na “pastillas” scam kung saan pinagharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft And Corrupt Practices Act ang naturang mga opisyal.
Isa sa mga ebidensyang isinumite ng NBI ay ang palitan ng Viber message ng mga suspek kaugnay sa pag-monitor ng pagpasok ng mga Chinese worker at kanilang nakuha umanong suhol.
Nakakuha rin ang NBI ng video kung saan makikita ang mga Chinese worker na inaasistihan pa patungo sa loob mismo ng opisina mula sa Immigration counter.
Naging bahagi rin ng ebidensya ang testimonya ng isang pogo worker na nasagip ng NBI matapos mabiktima ng human trafficking at nakalusot sa immigration.
Ipinabatid naman ni NBI Special Action Unit Chief Emeterio Dongallo na nagpapatuloy ang imbestigasyon para sa ibang mga tauhan at opisyal na kasabwat din sa mga naunang pinalusot na pogo workers nuong isang taon.