Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) c ang nasa 19 na indibiduwal matapos dumalo sa isang religious gathering sa Bataan.
Ayon kay Engineer Ernesto Vergara, hepe ng Abucay, Bataan COVID-19 team, isinagawa ang pagtitipon sa isang hotel sa Balanga City sa loob ng apat na linggo ng Hulyo.
Sinabi ni Vergara, 70 lamang dapat ang pinadalo sa nabanggit na pagtitipon alinsunod na rin sa panuntunan hinggil sa bilang ng papayagang dumalo sa isang religious gathering sa mga lugar na nasa ilalim ng modefied general community quarantine tulad ng Bataan.
Gayunman, batay aniya sa logbook ng hotel pumalo sa 100 katao ang nagtungo sa pagtitipon noong Hulyo 19.
Sinabi ni Vergara, nakuha ng mga nahawaan ang sakit mula sa pastor na nagmula sa Metro Manila at siyang nanguna sa pagtitipon.
Aniya, 15 sa labing siyam na indibiduwal na nahawaan ng COVID-19 sa naturang religious gathering ay mula sa bayan ng abucay kung saan labing dalawa na ang nasa isolation facility sa Mariveles.
Samantala, isasailalim naman sa lockdown ang isang barangay sa Abucay kung saan nakatira ang labing isa sa mga nahawaan ng COVID-19.