19 na lugar ang nakapagtala ng mataas o ‘dangerous level’ na heat index, kahapon.
Ayon sa PAGASA, naitala ang pinakamataas na heat index sa Surigao City, Surigao Del Norte na 48.2 degrees celsius dakong alas 3:00 ng hapon.
Ang heat index ay ang init na nararamdaman ng katawan na kadalasang mas mataas sa air temperature at aktuwal na temperatura.
Kabilang din sa nakapagtala ng napakainit na temperatura sa Ambulong, sa Tanauan City, Batangas na 43.5 degrees celsius; 46.6 degrees celsius sa Calapan, Oriental Mindoro; 43.8 degrees celsius sa Casiguran, Aurora;
43.7 degrees celsius sa Dagupan City, Pangasinan; 45.7 degrees celsius sa Guiuan, Eastern Samar; 44.2 degrees celsius sa Virac, Catanduanes habang 42.6 degrees celsius sa NAIA sa Pasay City.
Maikukunsiderang nasa danger category ang isang lugar na may heat index na 41 hanggang 54 degrees celsius kaya’t pina-payuhan ng PAGASA ang publiko na iwasang lumabas ng bahay simula alas 10:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon.