Tinukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang labing siyam (19) na lugar sa bansa na kabilang sa kanilang election watch list.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, mula sa orihinal na labing walong (18) lungsod at mga munisipyo noong nakaraang linggo nadagdagan pa ng isang lugar ang kanilang listahan.
Kabilang aniya rito ang Sudipen at Balaoan sa La Union; Jones sa Isabela; Lemery at Roxas sa Batangas; Balud at Dimasalang sa Masbate; Daraga sa Albay; Pagadian at Cagayan de Oro sa Misamis Oriental.
Gayundin ang Hajji Muhammad Ajul, Lantaoan at Tipo-Tipo sa Basilan; Marawi City at Sultan Dumalondong sa Lanao del Sur; at Mamasapano, Shariff Aguak; Shariff Saydona Mustapha at Dati Unsai sa Maguindanao.
Sinabi ni Albayalde, batay sa kanilang pagtaya, mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng karahasan sa mga nabanggit na lugar dahil sa matinding labanan sa pulitika.
Unang araw ng election period
Samantala, pangkalahatang naging mapayapa ang unang araw ng election period noong Linggo Enero 13.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police Chief Director Oscar Albayalde kung saan nasa dalawampu’t lima (25) ang naaresto dahil sa paglabag sa gun ban.
Bukod dito, nakumpiska rin ng pnp ang nasa dalawampu’t pitong (27) baril, isang daan at animnapu’t walong (168) bala, pitong (7) patalim at dalawampu’t dalawang (22) gun replicas.
Nakakuha rin ang PNP ng pitumpung (70) sachet ng mga hinihinalang shabu at dalawang glass pipe para sa marijuana.
Aabot sa 4,447 ang inilatag na checkpoint ng PNP sa buong bansa.
(Ulat ni Jaymark Dagala)