Labingsyam na station commander ng Caraga Regional Police office ang ni-relieve sa pwesto dahil sa mababang performance rating sa Oplan Tokhang o pinaigting na kampanya kontra iligal na droga.
Ayon kay Police Regional Director, Chief Supt. Rolando Felix, mula sa 77 police station, bagsak ang 19 na station commander sa Oplan Tokhang.
Kabilang sa mga ni-relieve ang mga police chief ng mga bayan ng Jabonga at Las Nieves, Agusan Del Norte; La Paz, Agusan del Sur at Loreto, Libjo at Cagdianao, sa Dinagat Province.
Base sa police report, nakapagtala ang PRO 13 ng kabuuang 419 na inarestong drug personalities habang 19 na suspek ang napatay sa operasyon matapos manlaban sa mga aarestong pulis.
By: Drew Nacino