Puspusan na ang ginagawang search and rescue operations ng mga awtoridad sa Vietnam para sa mga posibleng nakaligtas mula sa nangyaring landslide kasunod ng pananalasa ng bagyong Molave.
Batay sa ulat, hindi bababa sa 19 ang nasawi sa landslide sa isang remote area sa Quang Nam province.
Habang nasa 48 pa ang nawawala at patuloy na pinaghahanap.
Bunsod nito, daan-daang mga heavy equipment na ang itinalaga sa lugar ng landslide para maghanap ng mga posibleng nakaligtas.
Samantala, 14 pang mga mangingisda ang patuloy na pinag-hahanap matapos abutan ng bagyo sa karagatan ng Vietnam habang 12 naman ang natagpuang patay.