Nakatakdang pagkalooban ng amnestiya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tinatayang 1,000 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nakagawa ng mga krimen dahil sa kanilang mga paniniwalang pulitikal.
Ayon kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interior Minister Naguib Sinarimbo, ito’y bilang bahagi ng normalization process sa ilalim ng comprehensive agreement.
Sinabi ni Sinarimbo na sa pamamagitan ng amnesty proclamation ay mahihimok ang mga MILF combatants na tuluyan nang magbalik-loob sa gobyerno.
Sa oras na maigawad na ang amnestiya ay mabubura ang mga pananagutang kriminal ng mga rebelde at maibabalik ang kanilang mga karapatang pulitikal.
Kasama sa mga inaasahang makikinabang sa proklamasyon ang mga kasapi ng central committee at senior commanders ng MILF.
Samantala, inamin din ni Sinarimo na ilan sa mga ito ay kabilang sa mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na nagsisilbing interim government ng rehiyon.