Naging matagumpay ang 1st Jonnel C. Estomo Invitational Media Fun Shoot na ginanap sa National Capital Region Police Office (NCRPO) Headquarters sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City kahapon, Disyembre 6.
Itinanghal na kampeon sa putukan ang batikang mamamahayag at senior reporter ng DWIZ 882 na si Raoul Esperas.
Pumangalawa naman sa kompetisyon ang isang miyembro ng NCRPO Press Association at pangatlo ang isang photographer ng Remate.
Dinagsa ng mga shooters at gun enthusiasts ang event sa Firing Range ng kampo.
Tinatayang halos isang daang partisipante ang lumahok sa media fun shoot, kasama ang ilang DWIZ reporters at newswriters.
Nagpasalamat naman si NCRPO Acting Director PBGen. Jonnel Estomo sa mga nagbigay tulong upang maging matagumpay ang funshoot.
Bago ito ay nagkaroon muna ng seminar ukol sa personal security ng mga media practitioners at firearms markmanship training.
Ayon naman kay NCRPO Spokesperson PLt. Dexter Versola, ang seminar at training ay makatutulong sa mga miyembro ng media na maprotektahan ang kanilang mga sarili habang ginagampanan ang trabaho ng mga ito.
Bukod kina Versola at Estomo, dumalo rin sa dalawang araw na aktibidad ang ilang NCRPO officials, kabilang si PCol. Julius Guadamor.
Nagkaroon din ng ng Media Christmas Party & Fellowship sa Hinirang Hall ng NCRPO Headquarters na dinaluhan din ng iba’t ibang press corps at district directors.