Aabot sa 2.3 milyong magsasaka ang tatanggap ng tig-P5,000 na ayuda mula sa mga nakolektang taripa o buwis sa imported na bigas noong 2022 na P12.7 bilyon.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalabas ng P12.7 bilyong pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance program (RFFA).
Matatandaan na ibinasura ni Pangulong Marcos ang panukala ng kanyang economic team na babaan ang buwis sa imported na bigas bilang pagpabor sa mga Pilipinong magsasaka.
Ayon sa Pangulo, ang cash assistance gamit ang buwis sa imported na bigas ay gagamitin para matulungan ang mga maliit na magsasaka na mapataas ang produksyon ng palay.
Dagdag ng Pangulo, makakatulong din ito para mapanatili ang produksyon at kanilang productivity kahit pa mayroong El Niño.
Nakasaad sa programa na nasa 2.3 milyong magsasaka ng palay na naka-rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang mabibigyan ng ayuda.
Kabilang sa mga makatatanggap ng ayuda ang mga Farm Cooperatives Associations (FCAS), Irrigators Associations (IAS), Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOS), Small Water Impounding Systems Associations (SWISAS), at iba pang farm groups.
Bukod dito inaprubahan din ng Pangulo ang paggamit sa P700 milyong excess tariff collections para sa “Palayamanan Plus” conditional cash transfer na nasa ilalim naman ng Household Crop Diversification program.
Layunin naman nito na matulungan ang mga RSBSA-registered farmers na nakalista rin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tinatayang nasa 78,000 benepisyaryo ang makikinabang dito, habang makatatanggap din sila ng tig-P10,000.