Tinatayang aabot sa 3-milyong empleyado ng maliliit na negosyo o mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang magbebenepisyo sa ikinakasang P52-bilyong wage subsidy program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sa ilalim ng naturang programa, sasagutin ng DOLE ang bahagi ng sahod ng mga empleyado ng mga MSMEs upang hindi tuluyang tanggalan ang mga ito ng trabaho.
Hihilingin din aniya ng DOLE sa mga maliliit na kumpanya na muling i-hire ang kanilang mga pansamantalang tinanggal sa trabaho at aakuin aniya nila ang 25% hanggang 50% ng sahod ng mga ito.
Samantala, gugulong naman, anang kalihim, ang programa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.