Pinapurihan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang matagumpay na pagkakaaresto ng PNP Special Action Force (SAF) sa dalawang miyembro ng Abu Sayyaf sa magkahiwalay na operasyon sa Basilan.
Batay sa ulat ni PNP SAF Director P/Bgen. Bernabe Balba, unang nalambat ang bomb maker na si Ranger Siason sa Purok 1, Brgy. Aguada sa Isabela City sa bisa ng search warrant.
Nakuha mula kay Siason ang dalawang fragmentation grenades, dalawang 40MM high explosive shells, 30 rounds o bala ng 5.56MM rifle, apat na kilo ng ammonium nitrate at fuel oil explosives gayundin ang anim na bala ng caliber 50MM at isang watawat ng ISIS.
Sa ikalawang operasyon naman ng PNP SAF at intelligence group katuwang ang Philippine Coast Guard, nasakote si Munjiral Kabole na isang most wanted Abu Sayyaf member sa ilalim ni ASG sub leader Pasil Bayali.
Naaresto si Kabole sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong kidnapping sa Brgy. Saluping, Tabuan Lasa at isa sa mga sangkot sa pag-atake sa mga pulis at sundalo sa basilan.
Dahil dito, sinabi ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas na ang pagkaka-aresto sa dalawang high value target ay patunay ng pinaigting na operasyon ng mga alagad ng batas kontra terrorismo.