Sinampahan ng kasong robbery ang dalawang tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) na tumangay ng pera sa bagahe ng isang Japanese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, ipinag-utos na rin niya na kumpiskahin at tanggalin ang airport passes ng mga suspek na sina Stephen Bartolo at Demie James Timtim.
Nakatakda na rin aniyang isailalim ang dalawa sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Una nang umamin sina Bartolo at Timtim na nagsabwatan sila sa pagtangay ng one thousand seven hundred (1,700) Australian dollars o nasa P68,000 pesos mula sa turistang si Yuka Sakata.
—-