Nahuli ng mga tropa ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ang dalawang amasona sa Sitio New Laslasakan, Barangay Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte matapos silang iwanan sa bakbakan ng kanilang NPA leader.
Kinilala ni EastMinCom Commander LtGen. Greg T. Almerol ang dalawang nahuling NPA members na sina: Masarinda Balite alyas Alina, medical/supply officer, at Odessa Dumol.
Ayon kay Lt. Gen. Almerol, nagkaroon ng 20-minutong palitan ng putok sa pagitan ng mga tropa at ng grupo ng NPA, matapos na tumanggi ang kanilang lider na si Lutenant Apoga alyas Macky na sumuko.
Sa kasagsagan ng bakbakan, tumakas si Alyas Macky at Ilan pang mga kasamahan, at naiwan ang dalawang amasona, na nahuli matapos masugatan ang isa sa kanila.
Patuloy ang pagtugis ng mga tropa sa nagsitakas na terorista, habang ang sugatan na si Balite ay dinala naman sa ospital para ipagamot.
Narekober ng mga tropa sa pinangyarihan ng enkwentro ang 3 M16 rifles, isang M4 rifle, medical kits, at mga personal na gamit ng mga nahuling NPA. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)