Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 2-taong-gulang na batang lalaki matapos malublob sa isang kaldero na may bagong kulong tubig sa San Fabian, Pangasinan.
Isang araw matapos ang aksidente, binawian ng buhay ang bata habang ginagamot sa ospital dahil sa malubhang paso sa katawan.
Ayon sa ulat, nagpakulo si alyas Navarro ng tubig upang gamitin para sa kanyang asawang may karamdaman.
Iniwan niya ang kaldero sa gilid ng kanilang bahay habang inaasikaso ang kanyang asawa.
Bigla na lamang nilang narinig ang iyak ng bata, na sa una ay inakala nilang nag-aaway lamang sa kanyang kalaro.
Ngunit nang mag-iba ang sigaw, agad nilang sinilip ang bata at natagpuang nakalublob na ito sa mainit na tubig.
Agad na inalis ni Navarro ang bata sa kaldero at dinala sa ospital.
Sa kabila ng mabilis na aksyon, hindi pa rin naisalba ang buhay ng bata at pumanaw kinalaunan.