Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang dalawang taong gulang na babaeng inihampas umano sa pader ng kanyang yaya sa Barangay Culiat, Quezon City.
Agad inilibing ang biktimang itinago sa pangalang “Baby Sabina” alinsunod sa tradisyong Muslim, matapos umuwi mula Libya ang kanyang inang OFW na si Risma Sarahangga.
Sabado ng hapon nang dumating sa Pilipinas si Sarahangga na tulala umano at hindi makausap at dahil walang pamasahe, mismong mga tauhan ng Quezon City police district at ka-barangay ang sumundo sa kanya.
Dahil walang pampalibing sa anak, pinakiusapan na lang muna ang pamunuan ng libingan na payagang ihimlay ang bata kahit wala pang pambayad.
Kinumpirma naman ng QCPD na sinampahan na ng kasong murder at child abuse ang suspek na si Rowena Daud, 37-anyos.
Batay sa imbestigasyon, Miyerkules ng gabi nang dalhin mismo ni Daud sa New Era Hospital ang bata matapos umanong mahulog sa hagdan pero kalauna’y umamin na sinasaktan ang biktima kaya’t may mga pasa ito sa katawan.