May negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa ang dalawang araw na suspensyon ng pasok sa eskuwela at trabaho sa gobyerno.
Ayon ito kay Vic Ebola, economist sa University of Asia and the Pacific, lalo na’t hindi naman inaasahan ang long weekend mula Oktubre 14, Sabado hanggang kahapon Oktubre 17, Martes.
Sinabi ni Ebola na mahirap ilagay ang peso amount dahil mayroon aniyang mga prosesong hindi dapat matigil at hindi aniya maganda ang stop and go sa operasyon lalo na ng mga ahensya ng gobyerno.
Samantala, limang milyong daily wage earners ang apektado ng dalawang araw na kanselasyon ng pasok dahil sa tigil pasada ng grupong PISTON.
Ipinabatid ito ni Trade Union Congress of the Philippines o TUCP Spokesman Alan Tanjusay.
Inihayag naman ni Employers Confederation of the Philippines o ECOP President Donald Dee na tutol din sila sa kanselasyon ng trabaho subalit wala aniya silang ibang ‘choice’.
Baka magkasakit pa aniya ang kanilang mga empleyado matapos maglakad dahil walang masakyan at kung mangyayari ito ay hindi sila makakapasok at lalong hindi makakapag-trabaho.