Patay ang dalawang miyembro ng Abu Sayyaf matapos maka-engkuwentro ang dalawang tropa ng militar sa Patikul, Sulu mag-aalas 10:00 kahapon ng umaga.
Ito’y kasunod na rin ng walang tigil na pagkaksasa ng focused operations ng militar matapos ang kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander B/Gen. William Gonzales, gumagana na ngayon ang lahat ng kanilang military assets para tugisin at papanagutin ang lahat ng nasa likod ng pagpapasabog sa Jolo.
Kasalukuyan aniyang nagpapatuloy ang hot pursuit operations laban kay Abu Sayyaf Leader Mundi Sawadjaan gayundin ang mga galamay nito na siyang mastermind sa Jolo twin blast.
Magugunita nitong Biyernes, idineklarang persona non grata ng mga residente ng Patikul ang Abu Sayyaf Group bilang pagkondena sa kanilang ginawang pag-atake sa Jolo na ikinasawi ng 17 at ikinasugat ng mahigit 70.