Patay ang isang Abu Sayyaf Group sub-leader at isa sa mga miyembro nito sa magkahiwalay na engkuwentro ng militar at mga bandido sa Panamao, Sulu.
Kinila ni Western Mindanao Command Chief Lt/Gen. Corleto Vinluan Jr. ang mga napatay na sina Hatid Munap Binda, isang sub-leader ng Abu Sayyaf at Sensio Barahama na tauhan ni ASG sub-leader Sansibar Bensio.
Unang napatay si Binda mag-aala 6:00 kahapon ng umaga sa Bud Bawis Complex na nasa Brgy. Kawasan sa nabanggit na bayan habang nagsasagawa ng foot patrol ang mga tropa ng marine battalion landing team 1 sa lugar.
Tumagal ng 30 minuto ang bakbakan kung saan ay nareokber sa pinangyarihan ang katawan ni binda, isang M16 at M14 rifles.
Sinasabing si Binda ng nasa likod ng serye ng mga pagdukot sa tinaguriang tri-boundaries ng mga bansang Malaysia, Indonesia at Pilipinas at nag-ooperate ang mga ito sa mga lugar ng kalingalan calauag at panamao mula pa noong 2002.
Makalipas naman ng isang oras, muling naka-engkuwentro ng mga sundalo sa loob ng 20 minuto ang isa pang paksyon ng mga bandido, hindi kalayuan sa pinangyarihan ng unang engkuwentro kung saan, napatay si Barahama.