Muling iminungkahi ng Sultanate of Sulu ang 2 autonomiya ng Muslim Mindanao kung saan binubuo ang una ng Lanao at Maguindanao at Basilan, Sulu at Tawi-Tawi naman ang ikalawa.
Reaksyon ito ni Abraham Idjirani, tagapagsalita ng Sultanate of Sulu matapos maiulat na patay na ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ayon kay Idjirani, nangyari na ang panukalang dalawang autonomiya noong panahon ni dating Pangulong Marcos.
Sa nasabing uri ng autonomiya, madali umanong i-contain ng gobyerno ang mga sitwasyon at madali rin aniyang masupo ang mga lawless elements sa Mindanao dahil matututukan ng husto ang mga Muslim areas sa Mindanao at Sulu.
“Kung puwedeng gawing batas ng Kongreso dapat gawing 2 autonomiya ang Muslim Mindanao, ang isang autonomiya na kung saan ay binubuo ng Lanao at Maguindanao, yung isang autonomiya naman ay binubuo ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.” Pahayag ni Idjirani.
Sinabi din ni Datu Abraham Idjirani na una na itong nasubukan noong panahon ni dating Presidente Ferdinand Marcos, at naging epektibo naman ito sa kampanya para sa kapayapaan sa rehiyon.
“Bawat leader ng autonomiya ng 2 region, trumabaho ng husto para makamtan ang kapayapaan, kailangan ng 2 autonomiya ang kustombre at tradisyon ng Muslim sa mainland Mindanao ay naiiba sa doon sa kustombre at tradisyon ng mga Muslim sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.” Dagdag ni Idjirani.
Muslim sa senado
Samantala, hinimok ni Sultanate of Sulu Spokesman Abraham Idjirani, ang mga pulitiko na magsama ng Muslim sa kanilang senatorial line – up.
Ayon kay Idjirani, maraming kwalipikadong lider na Muslim na maaaring makatulong sa senado.
Sinabi din ni Idjirani na ang huling muslim na nagkaroon ng puwesto sa senado ay si dating Sen. Santanina Rasul.
“Hindi nagsasama ng plain political leaders sa senatorial bid of the Filipino people, para naman sa religion representation of the Muslims in the senate.” Giit ni Idjirani.
By Mariboy Ysibido | Katrina Valle | Balitang Todong Lakas