Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang motion for reconsideration para sa 2-billion-dollar compensation claim ng mga umano’y human rights victim noong panahon ng martial law sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos o Grupong MDL 840.
Kinontra ng Court of Appeals na isakatuparaan sa bansa ang naging desisyon ng United States Court noong 1995 na nagkakaloob ng dalawang (2) bilyong dolyar sa mga umano’y human rights victim.
Batay sa tatlong (3) pahinang desisyon na pinonente ni Court of Appeals Associate Justice Normandi Pizzaro, hindi maaaring ipatupad sa Pilipinas ang pasya dahil sa kabiguan ng Hawaii Court na bigyang pagkakataon ang mga hindi pa tukoy na mga claimant.
Ito’y para sa ‘full rehabilitative potential litigation’ at hindi nabigyan ng pagkakataon ang Marcos estate na makompronta ang bawat claimant.
Hindi din aniya ‘binding’ ang desisyon ng Hawaii Court o maaaring ipatupad sa Pilipinas dahil nalabag ang ‘right to due process’ ng magkabilang panig.
Ang desisyon ng CA ay alinsunod na din ng pagpapatibay sa naunang pasya ng Makati Regional Trial Court (RTC) na nagsasaad na hindi maaaring pairalin sa Pilipinas ang Hawaii Court judgement dahil sa kawalan ng hurisdiksyon at paglabag sa due process.