Tiwala ang Philippine Air Force na malaking tulong para sa kanilang surface strike capabilities ang pagdating ng mga bagong biling T-129 Atak Helicopters.
Kaninang madaling araw, dumating na ang 2 sa 6 na mga bagong biling helicopter na mula sa bansang Turkey at lumapag sa Clark Air Base sa Mabalacat City sa Pampanga.
Ayon kay Philippine Air Force Spokesperson, Col. Maynard Mariano, binili ang mga bagong air assets sa Turkish Aerospace Industries bilang bahagi ng kanilang modernization plan – horizon 2.
Inatasan na aniya ang 15th strike wing ng Air Force para i-operate ang dalawang bagong dating na helicopters na gagamitin sa kanilang close air support para sa ground troops, armed surveillance at reconnaissance.
Binigyang diin pa ni Mariano, mas moderno ang mga T-129 Atak helicopter kumpara sa iba pang attack helicopters na mayruon ngayon ang Air Force. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)