Muling lumakas ang Bagyong Paeng na ganap nang Severe Tropical Storm.
As of 11am kanina, huling namataan ang bagyo sa layong 375 km Kanluran ng Dagupan City, pangasinan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 95 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 km/h na kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h.
Dahil sa Bagyong Paeng, nakataas pa rin ang Signal Number 1 sa Southern Portion ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Western At Central Portions ng Pampanga, Abra, Benguet, Western Portion ng Mountain Province, Western Portion ng Ifugao, Tarlac, Western Portion ng Nueva Vizcaya, Western Portion ng Nueva Ecija, Zambales, Central At Southern Portions ng Bataan.
Bagaman ngayong hapon o mamayang gabi inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Paeng, magdadala pa rin ito ng mahihina hanggang kalakasang pag-ulan sa Batanes, Zambales, and Bataan.
Uulanin din ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR) , Cavite, Batangas, Laguna, Southern Portion ng Quezon, Western Visayas, Babuyan Islands, MIMAROPA, at nalalabing bahagi ng Central Luzon pero hindi ito gaanong kalakasan.
Samantala, maliban sa Bagyong Paeng, ganap nang tropical storm ang isa pang bagyo na binabantayan sa loob ng bansa na pinangalanang Bagyong Queenie.
Kaninang alas-8 ng umaga ito lumakas na nagtataglay na ng lakas ng hanging aabot sa 65 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 km/h.
Kumikilos ang Bagyong Queenie pakanluran timog-kanluran na huling namataan sa layong 815 km Silangan ng Northeast Mindanao.